Thursday, September 3, 2009

nakakatamad

Nakakatamad mag-aral. Sa paaralan Kailangan mong makakuha ng magandang marka sa lahat, kailangan mong matutong bumasa at sumulat, kailangan mong sumunod sa tamang gupit, Kailangan magsuot ng uniform,kailangan itim ang sapatos, kailangang itim ang medyas, kailangang may notebook, dapat kang umattend ng flag ceremony, kailangan bumili ng panindang yema ng prof mo, kailangan umattend ng alive-alive pag nirequire sa kolehiyo, kailangang matuto ng egg mosaic o di naman kaya’y paper mosaic, maaga kang gigising, magreport na parang nagbabasa lang, may quiz, may recitation, may bigayan ng grade, may bumabagsak, at marami pang iba na uulit-ulitin mo sa loob ng halos dalawampung taon kung cool ka, at tatlumpung taon naman pag naisipan mong maging mas cool pa ng konti. Nakakatamd noh?

Kung sa pagaakala mong nakaktamad ang pag-aaral, tama ka jan. Pero kung titingnan maigi, ginagawa natin ito sa unang parte lang ng buhay natin. Para lang itong intro sa isa pang mas mabigat at lalong mas nakakatamad na bagay, at iyon ay ang pagtatrabaho.
Isipin mo ito;Kailangan mong gawin ang lahat ng nakakasawa at paulit ulit na bagay para lamang makakuha ng hindi magandang trabaho. Swerte na kung may makuha ka ngang trabaho sa bansa natin.

Noong unang panahon barter lang o pagpapalitan ng kalakal ayos na ang buto-buto. Parang papalitan mo lang ng isang trak na patatas nag isang kilo ng ginto. Nung dumating ang mga Kastila sa ating bayan, nauso na ang pagalingan sa akademiks dahil dinala nila dito ang pag-aaral, at pagtapos mong makapagaral ay kailangan mong buhayin ang sarili mo sa larangang pinagsayangan mo ng panahon. Nagpaikot-ikot ito hanggang sa kasalukuyang panahon.
Napalitan man noon ang barter, madali lang magtrabaho. Marunong ka lang magbasa at magsulat, solb na. Minsan naman maging magsasaka ka lang, maari ka nang makipagdisco sa mga tao sa tuwing may kapistahan sa lugar niyo. yun lang ang kailangang gawin leveling ka na agad. Di katulad ngayon na kung ano-anong uri ng lisensya ang kinakailangan mong makuha, at mga exams na kailangan mong ipasa para mapatunayang dalubhasa ka sa isang bagay at pagtapos sasahod ka ng mababa na sapat lang ipambili ng havaianas na tsinelas. Santambak din na proseso ang kailangan pagdaanan makakuha lang ng trabaho. NBI, Police, barangay , at iba pang uri ng clearance. Photocopy ng resume, singkwentang kopya dahil di ka nakasisiguro sa unang kwarentay nwebeng kompanya na inaplayan mo. pagnatanggap ka na masasabi mong simula na ng bagong impyerno dahil marerealize mong Masaya pa ang proseso ng pagaaply dahil iba’t-ibang bagay, tao, at lugar ang nakikita mo, di tulad ng pagtatarabaho na makakabisado mo ang dinadaanan mo dahil araw araw kang dumadaan sa parehas na kalye, parehong tao araw-araw, at iisang gawain lang araw-araw.

Maaaring hindi sa lahat ng pagkakataon ay ganito ang nangyayari, pero isa ako sa karamihan ng tao na biktima ng paulitulit lang na pangyayari. Mahigit isang taon na ako ngayon sa pinagtatrabahuan kong kumpanya. Mahigit isang taon ko na ring pinagtitiisan ang ginagawa ko. Wala akong pagpipilian, dahil kung ititigil ko ang trabaho, hindi na ako kakain at magiging healthy living na akong parang kulto na sumasamaba sa hangin at tubig. Naisip ko rin minsan na kung palitan kaya ang trabaho ng bagay na paboritong mong gawin, at iyon ang maging source of income, maging Masaya ka kaya?

Halimbawa kung Masaya ka sa pagtulog, at ibigay sayo itong trabaho maging kuntento ka kaya? Isipin mo araw-araw ka matutulog ng 8 hrs at kailangan putulin sa gitna para mananghalian. Ano naman kaya ang mangyayari sau kung Masaya ka sa paglalasing? Ganun pa rin ang kundisyon. Magiinom ka 8hrs araw-araw at wala kang ibang gagawin. Subukan na rin nating gawing trabaho ang pagtambay. Tatambay ka ng 8 hrs full shift 5 days a week, meron kang 1 hr lunch break, at dalawang 15 min. break na bayad, ok na ba sayo yun? Kung di ka pa Masaya eto pa ang benefits, 3 mos probation tapos after six months regular ka na, may 13th month pay, may sick leave at vacation leave na convertible to cash kapag hindi nagamit. Kung hindi ka pa nakuntento, may pakape pa yan(walang payosi), libre transpo kung saan mo man nais tumambay ay magtrabaho pala, at walang bisor. Tatambay ka lang wantusawa, walang pipigil sau at walang makikialam. Masaya? Nakakatamad pa rin ba?

Maaaring masaya ang pagtambay,paglalasing at pagtulog, pero ang problema kasi, wala pang kumpanya ang nangunsinte sa pagtakas ng tao sa kanyang mga responsibilidad. Ang mga bagay na ito bagamt nakakapagpasaya sa tao ay hindi pa rin sapat na dahilan upang iyon na lang ang gawin natin habambuhay. Walang problema kung tinatamad ka, kaso nga lang kung hindi mo gagawan ng paraan ang karamdamang iyan eh unti-unti kang lalamunin at palulubugin nito at baka huli na ang lahat bago mo pa marealize na napagiwanan ka nap ala. Malungkot ang napagiiwanan dahil patay na lahat ng kasabayan mo at ikaw na lang ang natitirang buhay at nagdudusang magisa.

Naisip ko minsan na baka kaya hindi tumitigil ang ilan sa pagtambay ay dahil sa wala silang bisor na magfifile ng resignation letter nila. Makes sense! Oo! wala akong karapatan na magsalita at magmagaling tungkol sa mga bagay na ito dahil isa rin ako sa mga taong may karamdamang tulad nito. Wala rin akong magawa dahil kahit anong pilit ko takasan ang responsibilidad, para bang ito na mismo ang humahabol sa akin. Pag nararamdaman kong inaatake ako ng sakit na katamaran, iniisip ko na lang na siguro nga’y kailangan na lang tanggaping magtrabaho ang dapat gawin para umunlad ka, makatulong sa minamahal,ikatuwa ka ng tao at bayan mo, masabi ng diyos na hindi nasayang ang putik na pinanggawa niya sayo na dapat sana’y sa palayok niya gagamitin. Kung di ka pa rin naantig, aba’y mahiya ka naman sa palayok na dapat sana’y napagsasaingan na ngayon kung hindi ka nabuhay para lang tamarin at tumambay.

Sa mundo nasusukat ang tagumpay sa pamamagitan ng layo ng narating, kayamanan at dami ng napabilib. Hindi mabubuo ang tagumpay kung wala ang isa sa tatlo nitong sangkap. Kung kokontra ka, para mo na ring sinabi na may halo-halong walang yelo. Maaari itong makamit sa paghubog sa sariling kakayanan at isang mabisang paraan ay ang pagtatrabaho. Ok lang tamarin, lahat ng nagnanais umunlad ay nagdaan na sa ganitong proseso. Siguraduhin lang na magiging masaya ka sa kung ano man ang gagawin mo nang sa gayon ay walang dapat pagsisihan kung sakaling hindi magtagumpay sa bandang huli. Ikaw ang makikinabang sa kung ano man ang iyong pinaghihirapan, at ikaw rin ang makikinabang sa ano man ang iyong kinatamaran. Ngayon kung naiinis ka pa rin dahil naiisip mong unfair dahil tamad ang mga pulitiko kaya di naunlad ang pilipinas, magisip ka dahil baka tinatamad ka lang ding gumawa ng bagay na iakauunlad ng sarili mong bayan.

No comments:

Post a Comment